ANG BANGHAY NG NOBELANG NOLI ME TANGERE
A. Simula ng Nobela – Pag-Uulayaw sa Asotea (kabanata 7)
Maagang nagsimba sina Tiya Isabel at Maria Clara. Bahagya pang nakaalis ang pari sa misa, nagyaya na agad ang dalaga na makauwi sa kanilang bahay. Alam niyang darating si Ibarra upang siya’y dalawin. Bawat ingay ng sasakyang humihinto ay nagpapasikdo sa kanyang puso.
Sinabi ni kapitan Tiyago na kailangang magbakasyon ni Maria Clara sa San Diego at huwag nang bumalik sa beateryo.
Nang may tumigil na sasakyan sa tapat ng kanilang bahay ay namutla si Maria Clara. Alam niyang iyon si Ibarra. Tumakbo sa kanyang silid upang magtago. Putlang-putla ang dalaga at kinuyom ang kanyang dibdib. Nakinig siya sa usapan ng Tiya Isabel niya at si Ibarra. Humanap siya ng butas upang silipin at mapagmasdan ang binata. Nang tawagin siya ng tiya ay halos maglambitin ito dahil sa kagalakan.
Masiglang nag-uusap din si Kapitan Tiyago at Ibarra nang lumabas ang dalaga. Ang magsing-irog ay lumabas upang Malaya silang makapag-ulayaw sa lihim ng maliit na bahagi ng Asotea. Ang mga unang sandal i ng pag-uusap ay mga walang kawawaang usapan.
Itinanong ni Maria Clara kung lagi siyang naaalala ng binata at kung siya’y di nalimot sa maraming paglalakbay. Sinagot ng binata na hindi kailanman at di siya tumalikod sa naging sumpaan nila kahit kailan. Ginugunita ang kanilang masayang kabataan at nagdaan. Binuksan ni Ibarra ang kanyang kalupi at doon ay may inilabas na munting ballot na papel na kinalalamnan ng isang dahong nangingitim, tuyo at mabango. Iyon ang dahon ng sambong na ibinigay ni Maria Clara minsang sila’y namasyal at nilagay sa loob ng sombrero upang di sumakit ang ulo. Agad naming dumukot si Maria Clara sa kanyang sinapupunan ng isang munti’t putting lukbutang sutla. Iyon ang sulat ni Ibarra bago siya umalis patungong ibang bansa. Binasa ni Maria Clara ang nilalaman ng liham.
Naalala ni Ibarra na bukas ay araw ng mga patay at may tungkulin siya sa kanyang amang namatay. Ngayon din ay tutungo siya sa San Diego upang asikasuhin ang mga bagay-bagay. Nagpaalaman ang dalawa at sinabi ng dalaga na sa ilang araw lamang ay susunod din siya. Sinabi ni kapitan Tiyago kay Maria Clara na magtulos ng kandila sa poon ng San Roque at San Rafael na pintakasi ng mga manlalakbay.
B. Tumitinding Galaw – Ang Pananghalian (Kabanata 34)
Sa pagbabalik sa Pilipinas ni Crisostomo Ibarra ay nabatid niya ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng kanyang ama. Nalaman niya na si Padre Damaso na matalik na kaibigan ng kanyang ama ang naging dahilan ng paghihirap nito sa bilangguan. Sa ilang beses na paghaharap ng dalawa ay puro panlalait ang inabot ng binata buhat sa pari.
Sa isang nagagayakang Kiosko ay nagkatipun-tipon ang pinakamataas na tao sa lalawigan para sa isang pananghalian.
Naroon ang Alkalde, si Ibarra, Maria Clara, Kapitan Tiyago, Alperes, Kapitan, eskirbo, mga prayle, mga kawani, at mga binibini.
Habang masigla at masayang kumakain ang lahat sa kainan ay may dumating na isang kawani ng tanggapan ng telegrapo at nag-abot kay Kapitan Tiyago ng pahatid-kawad. Isinasaad doon na darating ang Kapitan-Heneral at sa bahay ni Kapitan Tiyago tutuloy. Nagpatuloy ang kasayahan at masiglang usapan.
Hindi naluwatan at nakita ng ilang panauhin na dumarating si Padre Damaso, nakangiti nang bahagya ngunit mapanlibak.
Masayang binati ng madla si Padre Damaso maliban si Ibarra. Nang Makita ni Padre Damaso na nakaupo si Maria Clara sa gawing kanan ni Ibarra ay nawala ang kanyang pagngiti.
Sa pag-uusap ng lahat ay sumabat si Padre Damaso at nilait si Ibarra pati na rin ang kanyang amang namatay na nang walang pakundangan. Si Ibarra ay putlang-putla noon, hindi nag-aalis sa kanya ng tingin at pagkarinig ng banggit sa kanyang ama ay tumindig at sa isang lukso ay pinalagpak ang kanyang matipunong kamay sa ulo ng prayle. Ito’y biglang nawalan ng malay at nabuwal nang patihaya. Sinuma’y di nakapangahas mamagitan dahil sa pagkabigla at pagkatakot.
Pinanawan ng bait si Ibarra. Nanginginig ang katawan, nandidilat at nagbabaga ang mga mata. Si Padre Damaso ay nagpipilit bumangon ngunit siya’y sinasakal ng binata, iniwagwag hanggang sa mapaluhod at mapauklo. Ang mga taong nakapaligid kay Ibarra ay umakalang papatayin nito ang prayle ngunit may pumigil at nagtangkang mamagitan. Itinaas noon ni Ibarra ang kanyang bisig, ngunit isang dalaga ang maliksing pumagitan at sa pamamagitang ng kanyang mayuming kamay ay pinigilan ang nakaakmang maghihiganting bisig. Siya’y si Maria Clara. Tinitigan siya ni Ibarra ng anyong tila nababaliw. Unti-unting lumuwag ang pagkakahawak sa pari at sa gayo’y nalugmok ang katawan at nabitiwan ng binata ang kutsilyo. Tinakpan ni Ibarra ang mukha ng kanyang mga palad at muling tumayo at nawala sa karamihan ng taong nangaroon.
C. Kasukdulan Tungo sa Kakalasan - Quidquid Latet, Adparebit, Nil Inultum Rem (Kabanata 54)
Inggit na inggit si Pari Salvi kay Crisostomo Ibarra dahil sa pakikipagkaibigan nito kay Maria Clara na labis niyang kinagigiliwan. Samantala dahil sa labis na kahihiyan at muntik nang kapahamakang sinapit, galit ang naghari kay Padre Damaso para kay Ibarra. Dahil dito ay isinangkot nila ang binata sa isang huwad na pag-aaklas na sila ang may gawa.
Tinugtog ng kampana ang orasyon. Sa mga sandaling iyon, ang kura na nakasumbrero ay nakitang hangos na naglalakad sa lansangan at nagtungo sa bahay ng alperes. Sinabi niya na may mangyayaring kaguluhan sa gabing iyon. Ayon sa kanya, may babaeng nangumpisal sa kanya at sinabi nitong sa ganap na ikawalo ay magaganap ang pag-aalsa, nagbalak sila ng mga gagawin sa gagawa ng kaguluhan.
Samantala, may isang tao naman ang makikitang tumatakbo sa lansangan na patungo sa bahay ni Crisostomo Ibarra at matuling pumanhik sa hagdanan. Inatasan ni Elias ang binata na sunugin ang mga kasulatang maaaring makapanganyaya sa kanya. Ipinagtapat nito ang mangyayari sa gabing iyon at sinabing si Ibarra raw ang mamumuno sa pag-aalsa ayon sa kanyang nakuhang impormasyon. Nagulumihanan ang binata at nagpatulong kay Elias upang iligpit ang dapat itago at sunugin ang iba. Pinagpili ang mga kasulatan at binasa nang madali. Nandilat si Elias nang Makita ang isang kasulatan pinagbiling-biling at nagtanong sa nanginginig na tinig kung nakikilala ni Ibarra ang Don Pedro Ebarramendia at kung baskongado ito. Sinabi ni Ibarra na ito ang nuno niya sa tuhod.
Nanginig si Elias at sinabing iyon ang taong matagal na niyang hinahanap at nais paghigantihan, na iyon ang imbing nagbintang umupasala sa kanyang nunong lalaki at naging dahilan ng lahat ng kasawian ng palad.
Tiningnan siya ni Ibarra na nagugulumihanan ngunit sinunggaban siya at niyugyog ni Elias at nangusap nang buong kapaitan at ngitngit ng pagkapoot at sinabi:”Tingnan mo akong mabuti, tingnan ninyo kung ako nga’y nagtiis samantalang kayo’y nabubuhay, umiibig, may kayamanan, tahanan, pinagpipitaganan, nabubuhay...nabubuhay...!”
Nang sandaling iyon ay nawalan si Elias ng bait. Patakbong nagtungo sa tipunan ng iba’t ibang sandata, ngunit kabubunot pa lamang ng dalawang balaraw nang bayaan itong mahulog. Parang baliw na tumingin kay Ibarra na noo’y di makatinag sa kinatatayuan. Patakbong lumabas ng bahay si Elias na naguguluhan at di malaman kung ano ang kanyang gagawin.
D. Wakas – Ikakasal si Maria Clara (Kabanata 63)
Nagtagumpay ang balakyot na paghihiwalay sa dalawang taong nagmamahalan. Pinag-uusig ang binata, si Ibarra. Sapilitang ipakakasal si Maria Clara sa isang lalaking hindi niya iniibig sapagkat ang kanyang katipan ay itinuring na isang masamang tao na kalaban ng bayan at pinag-uusig.
Galak na galak si Kapitan Tiyago sapagkat walang sinumang nakialam sa kanya sa panahong kakiila-kilabot, ni hindi siya dinakip at ikinulong, ni di kinunan ng tanong. Di gaya ng kanyang kaibigang si Kapitang Tinong na nang bumalik sa kanyang bahay ay maysakit, namumutla at namamanas. Para kay Kapitan Tiyago ay nakatulong si Linares, ang kanyang mamanugangin sa kabiruan ni Ginoong Antonio Canovas.
Ayon sa bulung-bulungan, si Ibarra ay bibitayin. Kung kulang man ang mga katibayan upang mahatulan siya ng gayon, nitong huli ay lumitaw ang isang katunayang nagpapatibay sa pagkakasakdal. Ayon sa paliwanag, ang pagtatayo ng isang paaralan ay maaaring mangahulugang paggawa ng isang kuta, kahima’t ito’y may karupukan.
Nagkaroon ng handaan sa bahay ni Kapitan Tiyago nang ikawalo ng gabi. Naroon ang mga tauhang nakilala na natin sa mga kabanata. Si Pari Sibyla, Pari Salvi, Tenyente Guevarra, Alperes, Dr. De Espadaña, Doña Victorina at Linares. Sa umpukan ng mga babae ay si Maria Clara ang paksa ng usapan. Binati at tinanggap sila ng dalaga bagamat di iwinawaksi ang sariling kalungkutan. Nasasaktan si Maria Clara sa mga sinasabi laban sa kanya subalit wala siyang magawa.
Sinabi ni Tenyente Guevarra na kung nagpakaingat lamang si Ibarra sa pagbibigay ng kasulatan sa ibang tao marahil ay hindi siya madidiin. Si Pari Salvi ay tumingin sa ibang dako uoang ilagan ang malungkot na tingin na iniukol sa kanya ng tenyente. Ang tinutukoy niya ay ang sulat na ibinigay ni Ibarra sa isang babae bago magtungo sa Europa. Nanghina si Maria Clara sa narinig at nagpahatid sa kanyang tiya patungo sa silid.
Lumipas ang mga oras, unti-unting napuram ang kaingayan sa bahay, wala nang mga ilaw. Nang matahimik na ang lahat ay bumangon ang dalaga at nagtungo sa asotea. Isang bangkang may lamang ang noo’y sumadsad sa bahay ni Kapitan Tiyago. Pumanhik ang isa sa mga sakay at lumundag sa pader at ang kanyang yabag ay patungo sa hagdan ng asotea. Ang lalaki’y lumapit at tumigil sa agwat na tatlong hakbang. Napaurong si Maria Clara nang Makita si Crisostomo Ibarra.
Sinumbatan ni Ibarra si Maria Clara at sinabing nagtungo siya roon upang dulutan ito ng katahimikan. Ipinagtapat ni Maria Clara na hindi niya kagustuhan ang nangyari, subalit may malaking dahilan at iyon ay ang pagkakatuklas na ang tunay na ama nito ay si Padre Damaso, dahil na rin sa pagtatapat ni Pari Salvi. Ibubunyag niya ang lahat kapag hindi ibinigay sa kanya ng dalaga ang sulat ni Ibarra. Upang makaiwas sa alingasngas ay napilitan siyang ibigay ang sulat na hindi niya nalalaman ay gagamitin laban kay Ibarra. Kapalit ay ang sulat ng ina ni Maria Clara na nagsasaad ng paghihirap ng kalooban habang dinadala pa ito sa sinapupunan, kung paanong ninais nito na patayin ang bata na hindi nakapangyari.
Nanggipuspos ang kalooban ni Ibarra nang malaman ang tunay na dahilan ni Maria Clara. Pinatawad niya ito subalit itinanong kung totoong ikakasal na si Maria Clara. Nagtapat ang dalaga na magpapakasal man siya ay di magbabago ang pagmamahal sa binata. Sinapupo nito ang ulo ng binata, hinagkan sa mga labi, niyakap at sinabing kailangan na itong tumakas. Tiningnan si Ibarra na nanginginig ang mga mata at sa isang hudyat ang binata’y lumayang parang lasing at susuray-suray. Nilundag na muli ni Ibarra ang pader at lumulan sa Bangka. Sinundan siya ng tingin ni Maria Clara at nakita si Elias, nag-alis ito ng sombrero at yumukod nang buong paggalang sa dalaga.
REPORT BY: HANNA ALYANNA AIHNEE ONG (Group 2) (III-St. Joseph Freinademetz)
REPLEKSYON:
Nalaman ko na ang mga bahagi ng noli me tangere ay may mga banghay kahit ang mga ito ay hindi magkasunod sunod.