Miyerkules, Oktubre 10, 2012


ANG BANGHAY NG NOBELANG NOLI ME TANGERE
A. Simula ng Nobela – Pag-Uulayaw sa Asotea (kabanata 7)
Maagang nagsimba sina Tiya Isabel at Maria Clara. Bahagya pang nakaalis ang pari sa misa, nagyaya na agad ang dalaga na makauwi sa kanilang bahay. Alam niyang darating si Ibarra upang siya’y dalawin. Bawat ingay ng sasakyang humihinto ay nagpapasikdo sa kanyang puso.
Sinabi ni kapitan Tiyago na kailangang magbakasyon ni Maria Clara sa San Diego at huwag nang bumalik sa beateryo.
Nang may tumigil na sasakyan sa tapat ng kanilang bahay ay namutla si Maria Clara. Alam niyang iyon si Ibarra. Tumakbo sa kanyang silid upang magtago. Putlang-putla ang dalaga at kinuyom ang kanyang dibdib. Nakinig siya sa usapan ng Tiya Isabel niya at si Ibarra. Humanap siya ng butas upang silipin at mapagmasdan ang binata. Nang tawagin siya ng tiya ay halos maglambitin ito dahil sa kagalakan.
Masiglang nag-uusap din si Kapitan Tiyago at Ibarra nang lumabas ang dalaga. Ang magsing-irog ay lumabas upang Malaya silang makapag-ulayaw sa lihim ng maliit na bahagi ng Asotea. Ang mga unang sandal i ng pag-uusap ay mga walang kawawaang usapan.
Itinanong ni Maria Clara kung lagi siyang naaalala ng binata at kung siya’y di nalimot sa maraming paglalakbay. Sinagot ng binata na hindi kailanman at di siya tumalikod sa naging sumpaan nila kahit kailan. Ginugunita ang kanilang masayang kabataan at nagdaan. Binuksan ni Ibarra ang kanyang kalupi at doon ay may inilabas na munting ballot na papel na kinalalamnan ng isang dahong nangingitim, tuyo at mabango. Iyon ang dahon ng sambong na ibinigay ni Maria Clara minsang sila’y namasyal at nilagay sa loob ng sombrero upang di sumakit ang ulo. Agad naming dumukot si Maria Clara sa kanyang sinapupunan ng isang munti’t putting lukbutang sutla. Iyon ang sulat ni Ibarra bago siya umalis patungong ibang bansa. Binasa ni Maria Clara ang nilalaman ng liham.
Naalala ni Ibarra na bukas ay araw ng mga patay at may tungkulin siya sa kanyang amang namatay. Ngayon din ay tutungo siya sa San Diego upang asikasuhin ang mga bagay-bagay. Nagpaalaman ang dalawa at sinabi ng dalaga na sa ilang araw lamang ay susunod din siya. Sinabi ni kapitan Tiyago kay Maria Clara na magtulos ng kandila sa poon ng San Roque at San Rafael na pintakasi ng mga manlalakbay.
B. Tumitinding Galaw – Ang Pananghalian (Kabanata 34)
Sa pagbabalik sa Pilipinas ni Crisostomo Ibarra ay nabatid niya ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng kanyang ama. Nalaman niya na si Padre Damaso na matalik na kaibigan ng kanyang ama ang naging dahilan ng paghihirap nito sa bilangguan. Sa ilang beses na paghaharap ng dalawa ay puro panlalait ang inabot ng binata buhat sa pari.
Sa isang nagagayakang Kiosko ay nagkatipun-tipon ang pinakamataas na tao sa lalawigan para sa isang pananghalian.
Naroon ang Alkalde, si Ibarra, Maria Clara, Kapitan Tiyago, Alperes, Kapitan, eskirbo, mga prayle, mga kawani, at mga binibini.
Habang masigla at masayang kumakain ang lahat sa kainan ay may dumating na isang kawani ng tanggapan ng telegrapo at nag-abot kay Kapitan Tiyago ng pahatid-kawad. Isinasaad doon na darating ang Kapitan-Heneral at sa bahay ni Kapitan Tiyago tutuloy. Nagpatuloy ang kasayahan at masiglang usapan.
Hindi naluwatan at nakita ng ilang panauhin na dumarating si Padre Damaso, nakangiti nang bahagya ngunit mapanlibak.
Masayang binati ng madla si Padre Damaso maliban si Ibarra. Nang Makita ni Padre Damaso na nakaupo si Maria Clara sa gawing kanan ni Ibarra ay nawala ang kanyang pagngiti.
Sa pag-uusap ng lahat ay sumabat si Padre Damaso at nilait si Ibarra pati na rin ang kanyang amang namatay na nang walang pakundangan. Si Ibarra ay putlang-putla noon, hindi nag-aalis sa kanya ng tingin at pagkarinig ng banggit sa kanyang ama ay tumindig at sa isang lukso ay pinalagpak ang kanyang matipunong kamay sa ulo ng prayle. Ito’y biglang nawalan ng malay at nabuwal nang patihaya. Sinuma’y di nakapangahas mamagitan dahil sa pagkabigla at pagkatakot.
Pinanawan ng bait si Ibarra. Nanginginig ang katawan, nandidilat at nagbabaga ang mga mata. Si Padre Damaso ay nagpipilit bumangon ngunit siya’y sinasakal ng binata, iniwagwag hanggang sa mapaluhod at mapauklo. Ang mga taong nakapaligid kay Ibarra ay umakalang papatayin nito ang prayle ngunit may pumigil at nagtangkang mamagitan. Itinaas noon ni Ibarra ang kanyang bisig, ngunit isang dalaga ang maliksing pumagitan at sa pamamagitang ng kanyang mayuming kamay ay pinigilan ang nakaakmang maghihiganting bisig. Siya’y si Maria Clara. Tinitigan siya ni Ibarra ng anyong tila nababaliw. Unti-unting lumuwag ang pagkakahawak sa pari at sa gayo’y nalugmok ang katawan at nabitiwan ng binata ang kutsilyo. Tinakpan ni Ibarra ang mukha ng kanyang mga palad at muling tumayo at nawala sa karamihan ng taong nangaroon.
C. Kasukdulan Tungo sa Kakalasan - Quidquid Latet, Adparebit, Nil Inultum Rem (Kabanata 54)
Inggit na inggit si Pari Salvi kay Crisostomo Ibarra dahil sa pakikipagkaibigan nito kay Maria Clara na labis niyang kinagigiliwan. Samantala dahil sa labis na kahihiyan at muntik nang kapahamakang sinapit, galit ang naghari kay Padre Damaso para kay Ibarra. Dahil dito ay isinangkot nila ang binata sa isang huwad na pag-aaklas na sila ang may gawa.
Tinugtog ng kampana ang orasyon. Sa mga sandaling iyon, ang kura na nakasumbrero ay nakitang hangos na naglalakad sa lansangan at nagtungo sa bahay ng alperes. Sinabi niya na may mangyayaring kaguluhan sa gabing iyon. Ayon sa kanya, may babaeng nangumpisal sa kanya at sinabi nitong sa ganap na ikawalo ay magaganap ang pag-aalsa, nagbalak sila ng mga gagawin sa gagawa ng kaguluhan.
Samantala, may isang tao naman ang makikitang tumatakbo sa lansangan na patungo sa bahay ni Crisostomo Ibarra at matuling pumanhik sa hagdanan. Inatasan ni Elias ang binata na sunugin ang mga kasulatang maaaring makapanganyaya sa kanya. Ipinagtapat nito ang mangyayari sa gabing iyon at sinabing si Ibarra raw ang mamumuno sa pag-aalsa ayon sa kanyang nakuhang impormasyon. Nagulumihanan ang binata at nagpatulong kay Elias upang iligpit ang dapat itago at sunugin ang iba. Pinagpili ang mga kasulatan at binasa nang madali. Nandilat si Elias nang Makita ang isang kasulatan pinagbiling-biling at nagtanong sa nanginginig na tinig kung nakikilala ni Ibarra ang Don Pedro Ebarramendia at kung baskongado ito. Sinabi ni Ibarra na ito ang nuno niya sa tuhod.
Nanginig si Elias at sinabing iyon ang taong matagal na niyang hinahanap at nais paghigantihan, na iyon ang imbing nagbintang umupasala sa kanyang nunong lalaki at naging dahilan ng lahat ng kasawian ng palad.
Tiningnan siya ni Ibarra na nagugulumihanan ngunit sinunggaban siya at niyugyog ni Elias at nangusap nang buong kapaitan at ngitngit ng pagkapoot at sinabi:”Tingnan mo akong mabuti, tingnan ninyo kung ako nga’y nagtiis samantalang kayo’y nabubuhay, umiibig, may kayamanan, tahanan, pinagpipitaganan, nabubuhay...nabubuhay...!”
Nang sandaling iyon ay nawalan si Elias ng bait. Patakbong nagtungo sa tipunan ng iba’t ibang sandata, ngunit kabubunot pa lamang ng dalawang balaraw nang bayaan itong mahulog. Parang baliw na tumingin kay Ibarra na noo’y di makatinag sa kinatatayuan. Patakbong lumabas ng bahay si Elias na naguguluhan at di malaman kung ano ang kanyang gagawin.
D. Wakas – Ikakasal si Maria Clara (Kabanata 63)
Nagtagumpay ang balakyot na paghihiwalay sa dalawang taong nagmamahalan. Pinag-uusig ang binata, si Ibarra. Sapilitang ipakakasal si Maria Clara sa isang lalaking hindi niya iniibig sapagkat ang kanyang katipan ay itinuring na isang masamang tao na kalaban ng bayan at pinag-uusig.
Galak na galak si Kapitan Tiyago sapagkat walang sinumang nakialam sa kanya sa panahong kakiila-kilabot, ni hindi siya dinakip at ikinulong, ni di kinunan ng tanong. Di gaya ng kanyang kaibigang si Kapitang Tinong na nang bumalik sa kanyang bahay ay maysakit, namumutla at namamanas. Para kay Kapitan Tiyago ay nakatulong si Linares, ang kanyang mamanugangin sa kabiruan ni Ginoong Antonio Canovas.
Ayon sa bulung-bulungan, si Ibarra ay bibitayin. Kung kulang man ang mga katibayan upang mahatulan siya ng gayon, nitong huli ay lumitaw ang isang katunayang nagpapatibay sa pagkakasakdal. Ayon sa paliwanag, ang pagtatayo ng isang paaralan ay maaaring mangahulugang paggawa ng isang kuta, kahima’t ito’y may karupukan.
Nagkaroon ng handaan sa bahay ni Kapitan Tiyago nang ikawalo ng gabi. Naroon ang mga tauhang nakilala na natin sa mga kabanata. Si Pari Sibyla, Pari Salvi, Tenyente Guevarra, Alperes, Dr. De Espadaña, Doña Victorina at Linares. Sa umpukan ng mga babae ay si Maria Clara ang paksa ng usapan. Binati at tinanggap sila ng dalaga bagamat di iwinawaksi ang sariling kalungkutan. Nasasaktan si Maria Clara sa mga sinasabi laban sa kanya subalit wala siyang magawa.
Sinabi ni Tenyente Guevarra na kung nagpakaingat lamang si Ibarra sa pagbibigay ng kasulatan sa ibang tao marahil ay hindi siya madidiin. Si Pari Salvi ay tumingin sa ibang dako uoang ilagan ang malungkot na tingin na iniukol sa kanya ng tenyente. Ang tinutukoy niya ay ang sulat na ibinigay ni Ibarra sa isang babae bago magtungo sa Europa. Nanghina si Maria Clara sa narinig at nagpahatid sa kanyang tiya patungo sa silid.
Lumipas ang mga oras, unti-unting napuram ang kaingayan sa bahay, wala nang mga ilaw. Nang matahimik na ang lahat ay bumangon ang dalaga at nagtungo sa asotea. Isang bangkang may lamang ang noo’y sumadsad sa bahay ni Kapitan Tiyago. Pumanhik ang isa sa mga sakay at lumundag sa pader at ang kanyang yabag ay patungo sa hagdan ng asotea. Ang lalaki’y lumapit at tumigil sa agwat na tatlong hakbang. Napaurong si Maria Clara nang Makita si Crisostomo Ibarra.
Sinumbatan ni Ibarra si Maria Clara at sinabing nagtungo siya roon upang dulutan ito ng katahimikan. Ipinagtapat ni Maria Clara na hindi niya kagustuhan ang nangyari, subalit may malaking dahilan at iyon ay ang pagkakatuklas na ang tunay na ama nito ay si Padre Damaso, dahil na rin sa pagtatapat ni Pari Salvi. Ibubunyag niya ang lahat kapag hindi ibinigay sa kanya ng dalaga ang sulat ni Ibarra. Upang makaiwas sa alingasngas ay napilitan siyang ibigay ang sulat na hindi niya nalalaman ay gagamitin laban kay Ibarra. Kapalit ay ang sulat ng ina ni Maria Clara na nagsasaad ng paghihirap ng kalooban habang dinadala pa ito sa sinapupunan, kung paanong ninais nito na patayin ang bata na hindi nakapangyari.
Nanggipuspos ang kalooban ni Ibarra nang malaman ang tunay na dahilan ni Maria Clara. Pinatawad niya ito subalit itinanong kung totoong ikakasal na si Maria Clara. Nagtapat ang dalaga na magpapakasal man siya ay di magbabago ang pagmamahal sa binata. Sinapupo nito ang ulo ng binata, hinagkan sa mga labi, niyakap at sinabing kailangan na itong tumakas. Tiningnan si Ibarra na nanginginig ang mga mata at sa isang hudyat ang binata’y lumayang parang lasing at susuray-suray. Nilundag na muli ni Ibarra ang pader at lumulan sa Bangka. Sinundan siya ng tingin ni Maria Clara at nakita si Elias, nag-alis ito ng sombrero at yumukod nang buong paggalang sa dalaga.
REPORT BY: HANNA ALYANNA AIHNEE ONG (Group 2) (III-St. Joseph Freinademetz)


 REPLEKSYON:
Nalaman ko na ang mga bahagi ng noli me tangere ay may mga banghay kahit ang mga ito ay hindi magkasunod sunod.

bibliograpiya

Ang bibliograpiya ay listahan ng mga ginamit na sangguniang aklat, pahayagan, magasin at iba pa na inaayos nang paalpabeto.
Matatagpuan dito ang pangalan ng awtor na nauuna ang apelyido, pamagat ng aklat/magasin, artikulo, pangalan ng magasin/pahayagan, lugar ng pinaglimbagan, taon ng pagkalimbag at pahina.
kung magasin o pahayagan, makikita rin ang volume (tomo) at petsa.

REPLEKSYON:
Nalaman  ko na ang bibliograpi ay bahagi ng libro, magasin, at kung anu pa na may layuning mailahad ang pinanggalingan ng mga nakalimbag sa libro

Sabado, Oktubre 6, 2012

teoryang eksistensyalismo

Ang teoryang eksistensyalismo ay hinahanapan ng katibayan ang kahalagahan ng personalidad ng tao at binibigyan halaga ang kapangyarihan ng kapasyahan laban sa katwiran at Sinusuri ang tauhan batay sa kanyang kilos,paniniwala,paninindigan na ang tao lamang ang tanging may kakayahanng magdesisyon sa kanyang sariling buhay.

REPLEKSYON:
Nalaman ko na ang teoryang eksistenyalismo ay mas binibigyan ng pansin ang kilos at ang katwiran kaysa sa iba pang kaisipan.

Dekada ‘70

Buod ng nobelang Dekada 70 ni Lualhati Bautista

Ang Dekada 70 ay tumatalakay sa hangarin ng isang babae nag magkaroon ng sariling katangi-tanging pagkakakilanlan. 

Si Armanda Bartolome, sa simula ng nobela, ay isang karaniwang maybahay at ina, naghahanda ng kape ng asawa, at nangangalaga sa mga pangangailangan ng mga anak sa paaralan. 

Sa pagdaan ng mga araw, nakita ni Amanda ang mga pagbabago ng mga anak, lalo na si Jules. Ang pagkahilig ni Jules sa mga awiting nagsasaag ng pagkamakabayan ay nagtulak dito upang sumapi sa mga kilusang laban sa katiwalian ng gobyerno. Sinabi niya ito kay Julian ngunit nagwalang bahala lamang ito. Hindi nakatiis si Amanda. Sinigawan niya si Julian na takang-taka sa inasal niya. Nagkalamigan sila ni Julian. 

Unang linggo ng Mayo, taong 1974, nang nag-empake si Jules. Pupunta raw siya ng Bikol. Napasigaw si Amanda nang itinanong niya kung ano ang gagawin nito sa Bikol. Napatanga si Jules. Nagulat ito sa pagsigaw ng ina. May pang-uuyam na sinabi nito sa ina na makabubuting sumama ito at baka sakaling mamulat ito. Nasampal ni Amanda si Jules. 

Nahuli si Jules at dinala sa Kampo Crame. Dinalaw nila ito at doon narinig ni Amanda ang mga kabuktutang ginagawa ng mga sundalo. 

Samantala, nagpasya si Jason na huminto na sa pag-aaral. Dahil sa wala itong pinagkakaabalahan, halos nagpapaumaga ito sa mga babae. Isang gabi, may tawag na tinanggap sina Amanda at Julian. Nahulihan si Jason ng marijuana. Nagtanung-tanong sila sa mga presinto. Nalaman nilang pinalaya na ito ngunit hindi umuwi sa kanilang bahay. Pinaghahanap siya ni Em, na isa pa rin sa mga anak ni Amanda. Isang gabi, lumung-lumo itong umuwi at ibinalitang patay na si Jason. 

Ilang gabi nag-iiyak si Amanda. Napagtanto niyang walang silbi ang kanyang buhay. Nagpasiya siyang humiwalay na kay Julian. Ngunit hindi siya umalis. Naisip niyang marami pa silang dapat pag-usapan ni Julian. Simula iyon ng ng kanilang pag-uusap, ng kanilang pagkakaunawaan. 

Pinalaya si Jules. Ngunit ang kanyang pagkakalaya ay hindi nagpabago ng kanyang simulain. Ibinalik siya sa Kampo Crame. 

Nang ideklara ang pagbawi ng martial law, sabay-sabay rin pinalaya ang maighit sa tatlong daang bilanggong pulitikal. 

May kani-kanya nang buhay ang kanyang mga anak, mula kay Jules hanggang kay Binggo. Ngunit ngayon, hindi na siyang nag-aalalang hindi magtatagal at maiiwan na sila ni Julian. Natuklasan niyang may magagawa at maiaambag pa siya sa mundong ito. Nasisiyahan siyang pati si Julian ay namulat at tumutulong na rin sa mga gawaing para sa kapwa at bayan. 



Ang mahabang salaysay ay nakasentro sa panggitnang-uring pamilyang Bartolome, at sa kung papaano naapektuhan ng batas militar ang mga tunggalian at trahedyang naganap sa buhay nila. Katuwang ni Amanda ang inhinyerong asawa na si Julian Sr. sa pagpapalaki sa lima nilang anak na lalaki: ang panganay na si Jules na isang kabataang aktibista na sumapi sa rebeldeng New People's Army (NPA) at pagkatapos ay naging bilanggong pulitikal; si Gani na sa batang edad ay nakabuntis ng babae; si Em na isang manunulat na naghahanap ng pagkakakilanlan sa sarili; si Jason na naging biktima ng salvaging at si Bingo na maaga pa'y nagmamasid na sa mga nangyayari.
Sa Dekada '70, mababakas ng mambabasa ang tala ng mga aktuwal na kuwento ng panunupil at karahasan ng mga militar sa mga inosenteng sibilyang nasasangkot sa digmaan, mga paglabag sa karapatang pantao, iba't ibang mukha ng karukhaan at pagsasamantala sa aping mamamayan, at ang walang humpay na paglaban ng mamamayan sa diktadurya sa panahon ng batas militar.
Sa paggamit ng awtor ng first person point of view sa kuwento, kapansin-pansin ang hilig ni Amanda na kausapin ang sarili o mind-chatter hinggil sa papel niya sa asawa't mga anak at sa mga usaping bumabagabag sa kanya. Sa pagkatuto niya kay Jules, nakakapaghayag siya ng tungkol sa mga nangyayari "dahil di na ako limitado sa mga bagay lang na may kinalaman sa pampabata't pampaganda, pagdiriwang at mga kaburgisan," wika nga ni Amanda.
Hindi tipikal na babae si Amanda, bagkus, isang tao na may likas na kamalayan sa mga pangyayaring kinasasangkutan ng mas malawak na bilang ng mamamayan (na unti-unti niyang natutuklasan) at di nagpapasupil sa limitasyon ng litanya ng asawa na, "Well honey, it's a man's world."
Isang mahalagang tauhan sa akda si Jules, isang kabataang namulat ng mga kampanya laban sa tuition fee increase sa paaralan hanggang sa lumao'y piliin niyang lumahok sa sandatahang pakikibakang inilulunsad ng NPA. Ang katangian niya bilang isang rebolusyonaryong nakikibaka para palitan ang sistemang umiiral ay lubhang nakapukaw sa damdamin ni Amanda na minsa'y iginiit ang kalayaang magpasya ng sariling buhay noong sumulat siya sa kapatid ng mga katagang sinipi mula sa tula ng makatang si Kahlil Gibran:
"Ang inyong anak ay hindi n'yo anak, Sila'y mga anak na lalaki't babae ng buhay! Nagdaan sila sa inyo ngunit hindi inyo, At bagama't pinalaki n'yo,sila'y walang pananagutan sa inyo…" Sa pagkakaalam ko, ito rin ang madalas sipiin ng mga aktibistang estudyante ngayon sa pakikipag-usap sa mga magulang na hindi nakakaunawa sa kanilang ginagawa!
At gaya ng maraming magulang, hindi naiintindihan ni Amanda ang anak sa mga ginagawa nito. Sagot ni Jules sa ina: panahon na para mamili ang tao. Alinman sa dito ka o do'n…Tutulong ka bang baguhin ang kalagayang ito o magseserbisyo ka rin sa uring mapang-api?
Sa di-inaasahang pagkakatao'y nalasap ng buong pamilya ang dagok ng batas militar nang walang awang pinahirapan at pinatay si Jason ng mga di kilalang tao ilang oras matapos itong palayain ng PC dahil sa hinalang gumagamit ito ng marijuana. Sa kawalan ng pagkakakilanlan sa salarin, walang silang nagawa kundi ang tumangis sa kawalan ng hustisya.
Ngunit kahit pa sumuong sa matitinding trahedya ang pamilyang Bartolome, nananatili pa rin silang buo sa kabila ng pagkakaiba-iba nila ng prinsipyo. Kahit hindi nagkakaintindihan sa mga diskursong pang-intelektuwal, di nawawala ang mahigpit na ugnayang emosyonal. Ika nga ng isang awit, "sa pagkakalayo ay may paglalapit din."
Ang mga pangyayaring ibinunyag sa Dekada '70 ay tila nakapagsisilbing panggatong sa lumalakas at umiigting na tinig ng paghihimagsik sa mga unang taon ng sumunod na dekada.
Unang naipakilala sa 'kin ang Dekada '70 noong Oktubre 1996 ni G. Christopher Amat, guro sa Komunikasyon sa College of Arts and Sciences ng University of Perpetual Help System-Laguna (UPHSL). Mula noon, hindi ko tinantanan ang pagbabasa ng aklat hanggang sa ito'y matapos ko sa loob lamang ng dalawang linggo.
Para sa mga estudyanteng may progresibong kaisipan, nakaambag ang akda sa pagpapataas ng kanilang pampulitikang kamulatan at pagkamakabayan.
Kahit noong mga taong nagsisimula pa lang na sumulong ang pakikibaka para sa isang malayang konseho at pahayagan ng mga mag-aaral sa UPHSL, itinuring ko na ang nobela bilang nirerekomendang reading material para sa pagmumulat at pag-oorganisa sa masang estudyante. May isa ngang kasamang nagmungkahi pa na gawin itong kurso sa pag-aaral ng organisasyon.
Sa mga panahong gaya ng dekada 70-na dekada ng pagkamulat at pakikibaka-natutunan natin ang aral na ang bawat isa'y bahagi ng mas malawak na lipunan kung saan ang mga kabataan ngayon, na "isang malinaw na mata at tainga at tinig ng kanyang panahon", ang siyang magpapasya ng kinabukasan ng bayan. Ang luma'y sadyang napapalitan ng bago.
Wika nga ng isang bilanggong pulitikal, "ang payapang pampang ay para lang sa mga pangahas na sasalungat sa alimpuyo ng mga alon sa panahon ng unos."


REPLEKSYON:

Nalaman ko na ang nobelang dekada sitenta ay tunay na tumatalakay sa tunay na pangyayari noong dekada sitenta tulad ng mga nabuong mga samahan laban sa pamahalaan. 
Para na rin kaming nabuhay noong dekada sitenta dahil nalaman ko ang mga pangyayari noon dahil sa nobelang ito.

SA LUPA NG SARILING BAYAN



Sa Lupa ng Sariling Bayan
(Ni Rogelio R. Sikat)


Walang hindi umuuwi sa atin. Walang hindi umuuwi sa kanyang bayan.

Namatay ang kanyang ina noong siya’y limang taong gulang lamang. Di naglipat-taon, sumunod na namatay ang kanyang ama,. Siya’y inampon ng isang amain - ang kapatid ng kanyang ama sapagkat wala nang ibang sa kanya’y mag-aampon.

“Dalawang pera lang ang hihingin niya noon sa kanyang Tata Indo ay kailangan pa niyang maghapong umiyak.” Sa ganitong pangungusap malimit ilarawan ni Ama ang kakuriputan at kabagsikan ng amaing iyong nag-ampon kay Layo. “Kaya ang gagawin ng Layong iyan ay paririto sa iyong ina sasabak ng iyak. Ku, kumakaripas pa ng takbo iyan kapag nabigyan ng ina ng tatlong pera.”

Malaki na ang ipinagbago ng buhay ng batang iyong binabanggit ni Ama: Mula sa isang api-apihang kamusmusan, siya ngayo’y isa na sa mga kinikilalang manananggol sa lunsod. Kausapin mo ang isang abugado o kaya’y isang kumuha ng abugasya at malamang na nakikilala niya kung sino si Atty. Pedro Enriquez. Sasabihin ng abugado na talagang magaling ito ( topnotcher yata iyan, sasabihin sa iyo ng abugado): sasabihin naman ng estudyante na talagang magaling ito, lamang ay mahigpit sa klase ( si Layo ay nagtuturo rin ng batas sa isang unibersidad at isang taga-San Roque ang minsa’y ibinagsak niya). Tatlo ang tanggapan ni Layo: isa sa Escolta, isa sa Echague ( sa itaas ng isang malaking hotel doon), at isa sa Intramuros, sa pinakamalaking gusaling nakatayo noon ngayon.

Bago siya naratay ay umuwi siya sa amin sa San Roque, Bakasyon noon at nasa San Roque rin ako. Kasama niya ang asawa at dalawang anak. Sakay sila ng isang kotse- bihirang mapasok ng kotse ang San Roque. Sa tapat ng aming maliit na bahay huminto ang kotseng iyon.

“Galing kami sa San Fernando ( ang bayan ng kanyang asawa), at nagyaya si Ising at ang mga bata rito. Gusto raw nilang makita itong San Roque.” Ayaw umuwi ni Layo sa aming Bayan: totoo nga marahil na ang pinakamapapait na hinanakit ay inilalaan ng isang nilikha sa kanyang sariling bayan: hindi pa nakakalimutan ni Layo ang kanyang mga hinanakit sa San Roque - kahit ngayong maluwag na ang kanyang buhay.

Hindi sila gaanong nagtagal sa amin sa pagdaraang iyon. Pagkainom nilang mag-anak ng inuming pampalamig ay nagpaalam na sila. Sumakay sila sa kotse at mula noon ay hindi na nagbalik.

Gayon man, malimit pa rin silang magkita ni Ama sa Maynila. Si Ama ay isang retiradong guro. Isang kumpare niya ang magpapatulong sa isang kaso sa manahan. Hinahabol ng kanyang kumpare at ng mga kapatid nito ang isang malawak na lupa sa San Jose na itinatayang hihigit sa kalahating milyong piso nag halaga. Inirekomenda ni Ama si Layo sa kanyang kumpare at dito nila inilapit ang kaso kadastral na iyon.

Tuwing maluluwas si Ama at kanyang kumpare ay dumaraan sila sa tinutuluyan kong bahay – pangaserahan. Sinasamahan ko sila sa pagpunta kina Layo.

Marami akong nalaman sa pagsama-sama kong ito sa opisina ni Layo. Malaki na pala ang bahay ni Layo sa Quezon City. Malawak pala ang kanyang lupa sa Isabela. Siya pala ang umusig kay gayo’t ganitong tao. Siya pala ang abugado ng malaking korporasyong iyon.

Tanyag na nga at matagumpay si Layo.

Ngunit ang hinanakit sa San Roque ay hindi pa rin nalilimutan.

“Ni puntod ni Ama’t Ina ay di ko madalaw,” minsa’y nasabi sa amin ni Layo. Nagpauna noong umuwi sa Kalookan ang kumpare ni Ama at kami’y isinama ni Layo sa kanyang bahay. Doon nang kami na lamang ang magkakaharap, ay nakabitiw siya sa kanyang mga kilos, gawi at salitang abugado. Naghubad rin siya ng barong-tagalog at nakakamiseta na lamang sa pakikipag-usap sa amin.

Ang tungkol sa puntod na iyon ng kanyang mga magulang ang hindi malimut-limutan ni Layo. Maliit lamang ang libingan ng San Roque noon; mabuti ngayon at may bakod na’t may malalaking nitso. Marahil, ang puntod ng mga magulang ni Layo, kaawa-awa rin ang kanyang ama’t ina, kung nakabuhayan ba nila ang pagtatagumpay ni Layo ay nakasama sa putol na lupang nabili ni Gallego, ang pinakamayaman sa amin. Ngayo’y may nakatayong poultry ng manok sa dating bahaging iyon ng libingan, isang malaking bahay ng manok sapagkat malaki ang poultry ni Gallego. Sinasabing sa mga dumi lamang iyon ay pinapala ng kanyang mga trabahador sa ibabaw ng mga dating puntod, at ipinagbibili sa mga palaisdaan ng bangos.

Ang katulong na abugado ni Layo. Dinaraanan pa rin ako ni Ama sa bahay-pangaserahan. Iyon ang bilin ko sa kanya; matanda na si Ama at natatakot akong baka sa pagtawid-tawid niya ay matumbok na lamang siya sa sasakyan. Madalang na niyang makasama ngayon ang kanyang kumpare; naisaloob marahil ng kanyang kumpare na totoong nakaabala na siya kay Ama kung kaya siya na lamang ang sumama sa abugado sa mga bisita.

Dinadalaw namin ni Ama si Layo, na itinuturing na ni Amang pamangkin, hindi dahil sa nais naming tumunton ng isang mayamang kamag-anak ( dumarami ang kamag-anak ng isang tao kapag mayaman na siya), kundi dahil si Layo na rin ang tumunton kay Ama at sa amin bilang mga kadugo.

“Kayo lamang ang matutunton kong kamag-anak sa San Roque ,” minsa’y sinabi niya sa aming mag-ama. “ Kayo lang, Tiyo Julio , Ben.”

Malaki ang ipinangangayat ni Layo mula nang siya’y magkasakit. Ngayo’y maputlang-maputla siya. Malimit namin siyang datnan na mahaba ang balbas. Maliit siyang lalaki at lalo pa siyang lumiit sa tingin ko nang siya’y magkasakit. Lalo namang lumaki ang kanyang ulo. ( Marunong talaga ang Layong iyan, malimit sabihin ni Ama, iyon ba namang laki ng ulong iyon!)

Sa isang pribadong silid sa ospital siya nakatigil. Hindi siya iniwan doon ng kanyang maybahay . Kung minsan, naroon ang isa niyang anak, si Fe, ang bunso. Walang imik ang may bahay ni Layo. Dati raw itong modista sa San Fernando. Ngayon ngang maratay si Layo, mga kamag-anak lamang nila sa panig ni Ising ang dumadalaw sa kanya.

“ Walang napaparitong taga-San Roque?” minsan ay itinanong ni Ama.

“ Hindi ko sila hinihintay Tiyo Julio.”

Ang tungkol sa kanyang tunay na karamdaman ay kamakailan lamang namin nalaman. Kinausap ni Ama ang doktor na tumitingin sa kanya. Malaki na raw ang naputol na bahagi ng kanyang bituka.

“Sana’y nakasama na roon ang bahaging may kanser,” sabi ng manggagamot.

Yaon ay sa pangalawang pag-opera kay Layo.

Hindi na niya kinakailangan ang ikatlong operasyon. Nang muli naming kausapin ang doktor,sinabi nitong laganap na ang kanser sa kanyang bituka at tatlong buwan na lamang ang pinakamahabang itatagal ng kanyang buhay.

Ang sabi ni Ama’y may tatlumpu’t pitong taong gulang lamang si Layo. Nang kami’y pumasok sa silid ay mataman ko siyang pinagmasdan. Kay bata pa niya upang mamatay. Tanyag siya ngayon, ngunit hindi pa niya naaabot ang tuktok ng katanyagan. Sino ang makaaalam , nasabi ko nga kay Ama nang kami pauwi na, kung magiging hukom siya balang-araw?

Sa loob ng tatlong buwan na ibinigay na taning ng manggagamot ay malimit naming dalawin si Layo. Gusto ni Layo na lagi naming dinadalaw. Kapag may isang linggo namin siyang hindi madalaw, naghihinakit na siya. Kami’y raw ba’y nagsasawa na sa pagdalaw sa kanya?

“ Naiinip kami rito, Tiyo Julio.” sabi niya kay Ama.

Nagtaka pa ako nang malaman kong alam ni Layo ang kanyang sakit.

“May kanser pala ako. Tiyo Julio, ay di ko nalalaman” pabiro niyang sabi kay Ama. “ Ang buhay nga naman, oo,” bahagya siyang tumawa, “kay lakas-lakas kong tao’y may kanser pala ako.”

Sinabi niya iyon na parang iyon ang pinakakaraniwang bagay na kanyang masasabi. Natingnan ko tuloy si Ising na nasa silid din at naririnig ang aming pag-uusap. Ano kaya ang nasa loob ni ising? Naka-upo si Ising sa sopang naroon. Nang pumasok kami at patuluyin ni Ising ay tila iiyak ito. Ngayon nga narinig niya ang sinabi ni Layo ay tahimik siyang nagpapahid ng luha…

“Akala ko’y ulser lang noong una. Hindi pala. Ito pala ang pinakamabagsik. Bakit kaya naman ako ang pinakapili-pili nito, ha. Tiyo Julio?”

“Nakalimot ka sigurong kumain noon,” sa kawalan ng nasabi ni Ama.

Tumingin sa kisame si Layo. “hindi nga ako nakapagkakain noon, Tiyo Julio,” aniya. “Napaggugutom ako. Trabaho sa araw, aral sa gabi. Nakapagtrabaho pa ako noon sa diyaryo, a” baling niya sa akin sapagkat alam niyang interesado ako sa trabaho sa peryodiko. Journalism ang aking tinapos “City Editor na ako noon,” aniya at binanggit ang isang maliit, malinis, ngunit patay nang pahayagan, “nang ako’y magbitiw. Mahirap, mahirap na buhay iyang buhay ng manunulat.”

Wala kaming sukat masabi ni Ama kaya siya ang pinabayaan naming magsalita. Nahihirapan siyang magsalita, ngunit nakikita naming ibig niyang magsalita. Parang nakatutulong iyon sa kanya; parang nakababawas iyon sa tinitiis niyang kirot.

Tumawa ng mahina si Layo.

“Kangina’y pinag-usapan namin itong si Ising, Tiyo Julio,- oy, Ising, sinasabi ko sa kanila iyong sinabi ko sa iyo kangina - kung saan ako ililibing. Dito sa Maynila, ‘ka ko, gusto kong dito sa Maynila malibing.”

“Huwag na nga nating pag-usapan iyan,” sansala ni Ama. “Ikaw ang kung anu-ano ang pinagsasabi mo.”

“Hindi nga, Tiyo Julio, hindi ko na inaasahang bubuti pa ako,” nakangiti pa ring pakli ni Layo. “Huwag ninyo ako ililibing sa San Roque, Tiyo Julio, huwag. Dito sa Maynila”


Tumayo si Ama. “Aalis na kami ni Ben, hala ka.”

Tumaas ang maputla at batuhang kamay ng nakangiti pa ring si Layo.

“Ang Tiyo Julio naman,” ani Layo at bahagyang umiling. “Siya,” aniya at tiningnan ako, “iba na ang ating pag-uusapan, takot ang Tiyo Julio. Nakapaglalathala ka na ba,Ben?”

Hindi ko siya sinagot. Marami akong naiisip habang nakatingin sa kanya. Nakikita ko sa kanya ang paghahangad na maging matatag sa harap ng nalalapit na kamatayan, ngunit bigo ang hangarin niyang maging matatag. Bigo ka, Layo, bigo ka. Natatakot ka rin, nagtatapang-tapangan ka lang. Bakit hindi mo pa amining takot ka? At itong libing sa San Roque. Kung ayaw mong mailibing doon ay bakit lagi mong binabanggit?”

“Palaisip itong si Ben,” itinuro ako ng maputlang hintuturo ni Layo, “makasusulat nga siguro ito.” Kay Ama naman siya tumingin. “Dalas-dalasan naman ninyo ang dalaw, Tiyo Julio. Sa amin na kaya kayo umuwi, si Ising lamang at ang mga bata ang naroroon? Baka nahihirapan kayong umuwi sa probinsya.”

Ipinangako na lamang ni Ama na lagi namin siyang dadalawin.

Mahinang-mahina na si Layo nang siya’y muli naming dalawin. Paos ang kanyang tinig at halos hindi na niya maigalaw ang mga kamay.

Ngayo’y wala na ang kanyang tatag. Umiiyak siya ngayon.

“Kaawa-awa naman itong Ising,” sabi niya, “Kaawa-awa naman ang aking mga anak. Kayo na, Tiyo Julio, Ben ang bahala sa kanila. Kayo na, ang bahalang tumingin sa kanila.

Kay Ama niya inihabilin ang paglilibing sa kanya. Dito sa Maynila, sinabi na naman niya. Mag-iisa akong malilibing dito, Tiyo Julio, ngunit gusto kong dito malibing.

“Magdasal ka,” payo ni Ama, “iyang hinanakit mo’y kalimutan mo na. Masama iyang babaunin mo pa ang mga iyan.”

“Mahirap makalimutan, Tiyo Julio. Natatandaan ba ninyo noon, noong maliit ako? Noong hindi ko matagpuan ang libing ni Ama’t ina? Wala akong mauuwian doon, Tiyo Julio. Mag-iisa rin ako.”

Tumungo ang maputing ulo ni Ama; pati siya’y ibig na ring maluha sa sinasabi ni Layo.

“Walang hindi umuuwi sa kanyang bayan. Mayroon nga riyan, namamatay sa Amerika, pagkatapos manirahan doon nang kay tagal, ngunit ang huling kahilingan ay ang malibing dito sa atin.”

“Maganda ang sinabi ninyo, Tiyo Julio.”

“Wala ngang hindi umuuwi sa atin, sa kanyang bayan, Layo. Ikaw man ay uuwi rin.”

Lahat ay umuuwi sa kanyang bayan, ibig ko ring sabihin kay Layo. Maaaring narito ka, ngunit ang iyong kaluluwa ay naglalakbay na pabalik doon. Maaaring naging mapait ang kabataan mo roon, ngunit huwag mong sabihing ikaw ay di babalik.

Ngayo’y hindi siya nakatingin sa akin, ni kay Ama, ni kay Ising. Nakatingin siya sa kisame. Nakaangat ang kanyang baba at tila mga mata ng isang bulag ang kanyang mga mata. Alam kong naglalakbay ang kanyang diwa: marahil, nalalaman ko kung saan naglalakbay iyon.

Gusto kong isipin na ngayo’y naglalakbay ang kaluluwa ni Layo patungo sa aming bayan; gusto kong isipin na ngayo’y tila mga tuyong dahon nang malalaglag ang kanyang hinanakit: gusto kong isipin na sa paglalakbay ng kanyang kaluluwa, sa paglalakbay na iyong pabalik, ay nakatatagpo siya ng kapayapaan…

Nalagay sa mga pahayagan ang pagkamatay ni Layo.

Ang sabi sa pahayagan ay ilalagak daw ang kanyang bangkay sa San Roque.

Ang kabaong ni Layo ay isinakay sa isang itim na kotse.

Mula sa Maynila, naglakbay iyon sa mga bayan-bayan.

Tumitigil iyon sa mga bahay-pamahalaan. Nanaog ang nakaunipormeng tsuper at ipinagbigay-alam ang pagdaraan.

Hapon na nang dumating iyon sa San Roque.

Sa San Roque, marami ang naghihintay na makikipaglibing kay Layo…

Naghihintay rin sa kanya ang lupa ng sariling bayan.



REPLEKSYON:
                           Matapos kong mabasa at matalakay ang maikling kuwento nalaman ko na si Layo ay isang uri ng tao na inspirado dahil sa kanyang kahirapan noong siya ay bata pa lamang na iniiyakan pa niya ang dalawang pera bago niya ito makuha kaya siya ay nagsikap ng mabuti upang matapos na ang kanyang kahirapan.Ngunit sa kasamaang palad siya ay nagtanim ng galit sa kanyang bayan pero bandang huli ay hindi parin siya nagwagi sa kanyang pagmamatigas.