manaog ka, irog, at kata'y lalakad,
maglulunoy katang
payapang-payapa sa tabi ng dagat;
di na kailangang
sapinan pa ang paang binalat-sibuyas,
ang daliring garing
at sakong na wari'y kinuyom ng rosas!
Manunulay kata,
habang maaga pa, sa isang pilapil
na nalalatagan
ng damong may luha ng mga bituin;
patiyad na tayo
ay maghahabulang simbilis ng hangin,
ngunit walang ingay,
hanggang sa sumapit sa tiping buhangin…
Pagdating sa tubig,
mapapaurong kang parang nangingimi,
gaganyakin kita
sa nangaroroong mga lamang-lati;
doon ay may tahong,
talaba't halaang kabigha-bighani,
hindi kaya natin
mapuno ang buslo bago tumanghali?
Pagdadapithapon,
kata'y magbabalik sa pinanggalingan,
sugatan ang paa
at sunog ang balat sa sikat ng araw…
Talagang ganoon:
Sa dagat man, Irog, ng kaligayahan,
lahat, pati puso
ay naaagnas ding marahang-marahan…
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento